Ang pamimilosopiya
ay ginagawa at ang unang hakbang nito ay sa pamamagitan ng pagtatanong. Sa
ating pagtatanong unti-unti tayong lumalabas sa silid ng kawalan at namumulat
sa liwanag ng kaalaman. Sa pagtatanong, tayo rin ay nagiging malaya mula sa
pagkakulong sa kwadro ng ating kamangmangan, dahil sa naging malaya tayong
umalam at alamin ang mga bagay-bagay na nakapalibot sa atin. Gayun pa man,
napakahalagang tandaan na oo, malaya tayong umalam subalit tayo’y may
limitasyong malaman ang kabuuan.
Dapat lang talagang
ang hakbang ng pag-alam ay dapat simulan mismo sa ating sarili: sa
panlabas na anyo, sa panloob (personalidad), sa kinabibilangan natin, at sa
ating kasaysayan para mas lalo nating maintindihan ang ating natatanging
kakayahan pati na rin ang ating mga kahinaan (limitasyon) bilang tao.
Sa pag-iral ng
mundo taglay nito ang mga bagay-bagay na tinatawag nga nating sannilikha,
halaman man, hayop, insekto at tayong mga tao pati na rin ang mga elementong
nakapaloob sa katawan natin. Ang enerhiyang taglay ng mundo ayon sa “principle of conservation” ay hindi
nagbabago kundi pabalik-balik lamang, pumupunta sa iba sa pamamagitan ng isang
proseso para bumuo ng panibago halimbawa na lamang ang tinatawag sa Agham na “Photosynthesis.” Sa madaling sabi, ang
mga bagay-bagay at enerhiya na nakapaloob sa katawan ng tao, hayop at iba pa ay
galing pa sa sinaunang kasaysayan ng ating mundo na pabalik-balik lang nating kinakamit
at ginagamit. Kaya nga kung titingnan natin, ang lahat ng parte ng ating
katawan panlabas man o panloob, hindi tayo ang mismong pumili at dumisenyo nito
dahil ang lahat na meron tayo ay disenyo na nakukuha natin sa kasaysayan ng
ating kanya-kanyang natura. Kaya nga wala tayong dapat ireklamo sa kung anong
hetsura o mukha meron tayo dahil kung magkaganon para na rin nating sinisisi
ang kasaysayan ng ating natura.
Tayo bilang tao ay
denisenyo sa ibat-ibang kaanyuan panloob man o panlabas natin. Tulad na lamang
ng ating katawan, gustuhin man natin ang katawang meron tayo ngayon, wala
tayong magagawa dahil hindi tayo ang siyang pumili nito. Sa madaling sabi, wala
tayong malay nang tayo’y unti-unting nabuo sa sinapupunan ng ating ina. Ang
ating minsa’y hindi maintindihang
personalidad ay makikita at lumalabas sa pakikitungo at relasyon natin sa ating
mga magulang, kapatid, mga kaibigan, lalong-lalo na sa mga taong ating
nakasalamuha araw-araw. Anumang personalidad meron tayo ngayon, hindi natin
kamit ito nang tayo’y nasa sinapupunan pa. Sa madaling sabi, ang ating
taglay’ng personalidad ay nakukuha natin sa pagtatagpuan ng iba’t ibang pag-uugali,
pamumuhay at kultura ng lipunang ating kinabibilangan. Kaya nga kung papansin natin,
kaya nating iakma ang ating ugali sa ugali ng taong ating nakasalamuha at
kadalasan, pabago-bago ang ating pag-uugali sa klase ng taong kaharap natin
dahil tayo ay nagtataglay ng iba’t ibang ugali mabuti man ito o masama. Maaring
ngayon nasa istado ako ng kabaitan at maaring bukas daig ko pa si Satanas.
Tayo rin bilang
tao ay may kinabibilingang lipunan at ito’y may sariling kultura. Subalit nang tayo’y iniluwal sa mundong ito,
hindi tayo ang pumili ng lipunang ating kinabibilangan at ang kulturang ating kinagisnan.
Kaya nga wala tayong magagawa kung tayo’y isinilang sa bansang Pilipinas at
tawaging ‘Pilipino.’ Katulad rin nang hindi natin pagpili ng ating panloob at
panlabas na anyo.
Bilang isang
sentro ng tagpuan ng mga makasaysayang linya ng pangyayari, tayo rin ay isang
makasaysayang bunga at produkto nito gustuhin man natin o hindi. Tayo ay
isinilang sa saktong panahon ng kasaysayan. katulad ng pisikal nating anyo,
personalidad, at kultura, hindi rin tayo ang nagpasya ng panahon ng ating
pagsilang dahil tayo bilang tao ay limitado. Ang magagawa lang natin ay ang saliksikin
ang kasaysayan ng ating sarili, lipunan,kultura, bansa at maging ang kasaysayan
ng mundo dahil ang kasaysayan ang siyang humuhubog sa kung ano at sino tayo
ngayon.
Bilang kabuuan,
dahil tayo ay limitado wala tayong kakayahang imanipula o piliin ang ating
pagkatao, ang ating sarili, personalidad, lipunan o kultura at lalong-lalo ang
ating kasaysayan. Tayo man ay limitado, bukudtangi pa rin tayo sa ibang
nilalang sapagkat tayo lang ang may kamalayan sa bawat kilos at paggalaw ng
ating katawan at isipan, tinatawag nga natin ito sa Ingle na“reflexive consciousness.”
Ang
mahalaga sa lahat, alam ko na bilang tao may limitasyon akong alamin ang lahat
(kabuuan). Dahil dito nagiging bukas ang aking sarili sa mga posibilidad na
maaari kong magawa at isakatuparan bilang limitadong nilalang. Oo, para nga
akong nakakulong sa isang kwadro subalit sa loob ng kwadro kaya kong maging
malikhain at maging sentro ng paggalaw dito.
Bukudtangi rin
tayo sapagkat may kakayahan tayong umalam at alamin ang makakayang abutin ng
ating isipan. May kakayahan tayong alamin ang ating pagkatao, personalidad,
lipunan at ang ating mismong kasaysayan na siyang nabibigay kahulugan sa kung
ano at sino tayo ngayon.
No comments:
Post a Comment