Ang kalayaan
ayon kay Robert Johann ay kakambal ng ating pag-iral bilang tao-may kakayahan
akong kumilos, tumugon sa hinaing o panawagan ng aking paligid, at gumawa ng
desisyon para sa aking sarili. Sa makatuwid, kalayaan na para kay Johann, may
kaakibat na responsibilidad na may pananagutan. Gayun din naman para kay Martin
Heidegger kakambal rin ng ating pag-iral bilang tao ang kamatayan. Para sa
kanya ang kamatayan ay isang katangi-tanging posibilidad ng aking pag-iral na
hahantungan ng walang iba kundi ng sarili kong pag-iral.Bagaman tayo bilang tao
na nagtataglay ng isang posibilidad na ito-posibilidad na mula sa pagiging
Dasein (pag-iral-doon) sa pagiging hindi na Dasein, pagka-wala na-doon, hindi
lang tayo basta maghihintay nalang sa pagdating ng ating sariling kamatayan
nang walang ginawa. Umiiral tayo sa mundo dahil dito umiiral ang ating
kakayahang-maging-ano at ito nga ang kakayahang sinasabi ni Johann na maging
isang responsableng tao. Hindi dahil darating sa puntong hahantong tayo sa
kamatayan ay wala na tayong kakayahang buuin ang mga posibilidad ng ating
pag-iral. Bilang tao na nagtagtaglay din ng kalayaan, may kakayahan tayong
tupdin ang mga posibilidad ng ating-maaari. Hindi lang tayo tinapon sa mundo at
nilagay doon na nakatunganga nalang. Sa pag-iral-doon may kakayahan akong
kumilos, tumugon sa hinaing o panawagan ng aking paligid, at maging sa paggawa
ng desisyon para sa aking sarili. Ito’y kalayaan na may malayang pagpapasya at
taglay ko na ito simulat sapol nang aking pag-iral bilang tao.
Sa pagiging Dasein, kasama na dito
ang tungkuling tumugon sa panawagan o hinaing ng aking kapaligiran, hindi lang
ako nag-iisa sa mundo at kaya nga ang pag-iral doon ang siyang doon ng pag-iral
ng mga umiiral, ang pagkakataong magsipag-ugnayan ang mga ito. Dahil hindi ako
nag-iisa sa mundo, may tungkulin ako hindi lamang sa aking sarili kundi tumugon
sa panawagan ng aking paligid at kapwa. Ginagawa natin ito bilang Dasein dahil
palagi tayong nakatanaw sa ating pagka-maaari na para kay Johann tungo sa
pagiging isang responsableng tao. Kung baga, “nauuna sa sarili” ang tao; isang
palagiang pangunguna sa sarili ang pag-iral-doon. Pangunguna sa anumang
pangkasalukuyang sarili, pagtanaw at pagsikap buuin ang mga posibilidad,
pagkasangkot sa mga bagay at sa kapwa nang may kasamang responsibilidad. Oo,
responsibilidad kung tumugon nang may malayang pagpapasya sa hinaing ng aking
paligid pero hindi agad-agad ako’y isang responsabling tao na. Pero ano nga ba
ang pagiging-responsible na siyang magdadala sa atin sa ating kabuoan bilang
tao? Ito ba ay pananagutan lamang? Ayon kay Johann, ang isang taong responsable
ay ang taong nagtataglay ng isang hubog na galaw na nakalaan mismo upang itugon
sa obhetibong pangangailangan ng isang sitwasyon na nakasalalay sa kanyang
abilidad at kakayahang tumugon at hindi lamang basta kapritso o sumpong ito.
Halimbawa na lamang sa isang sitwasyun na kung saan may isang bahay na
nasusunog at may taong humihingi ng tulong at akmang ikaw ang nandoon, oo may
kalayaan ka ngang tumugon sa puntong ‘yon pero hindi ibig sabihin na
responsable ka na sa pagtugon mong ‘yon kung ang dala mo namang tubig pampatay
sa apoy ay isang kutsara lang. Sa makatuwid sa kalayaan mong tumugon sa
panawagan ng kapwa dapat din na may kapasidad ka sa pagtugon mo at sa
halimbawang ibinigay ko, oo malaya ka ngang tumugon sa hinaing ng nasunugan subalit
isang kutsarang tubig lang ang dala mo, hindi ka pa rin matatawag na isang
responsibleng tao sa puntong ‘yon. Kaya nga sa puntong ito, hindi pa naayos ang
tao, hindi pa niya naabot ang kanyang kabuuan. Bilang Dasein, kumikilos tayo
nang may malayang pagpapasya at ayon na rin mismo sa ating kakayahan o
posibilidad sa pag-iral. Hindi lang tayo basta nakukuntento sa ating gagawing
pagtugon sa isang hinaing o panawagan. Kung babalikan natin ang ibinigay kung
halimbawa (may nasusunog na bahay), dahil sa nakapagtapon ka na ng isang
kutsarang tubig ay isa ka nang responsableng tao at masasabi mo nang, “Nagawa
ko na ang parte ko, nakapagtapon na ako ng tubig. Basta nakapagtapon na ako!
Okay na yun!” Kaya nga ang isang responsibilidad ay hindi lamang basta isang
pananagutan. Ito’y isang kakayahan mong managot sa pagbibigay mo ng tugon sa
isang hinaing. Bilang pagtugon sa panawagan ng nasunugan, tama lang ba ang
isang kutsara? Sa palagay ko hindi. Bilang tao na may kalayaang kumilos o
tumugon sa isang hinaing o panawagan, ang tugong ito ay dapat akma sa
kinakailangang sagot sa panawagan. Kung sinubukan mong magtapon ng isang
kutsarang tubig sa nasusunog na bahay at walang epekto, hindi ka lang hihinto
doon kundi gagawin mo ang lahat ng iyong makakaya, buhatin kung maaari kahit
gaano man karaming tubig para patayin ang apoy at kung inubos mo na ang buong
kakayanan mo, magawa mo mang patayin ang apoy o hindi, para kay Johann
karapat-dapat kang tawaging isang responsableng tao na may pananagutan. At dito
sinasabi ni Heidegger, naiiba ang kamatayan sa kahinugan ng prutas sapagkat
hindi tumatalab ang kahinugan ng prutas sa hilaw pa, ngunit tumatalab na ang
kamatayan sa taong buhay na kung minsan dumarating sa kanyang kahinugan ang ato
sa kanyang kamatayan, kung minsan lumalampas sa kanyang kahinugan bago mamatay.
Sa kabuuan,
gamit ang kalayaan ng tao na tumugon sa panawagan ng kanyang paligid na naayon
sa taglayng hubog na kakayahan at abilidad, magagawa niyang ganapin ang kanyang
sarili bilang Dasein na may kakayahang-maging-ano at ito nga ang abutin ang
kanyang kabuuan habang nakikipagsapalaran sa mundo kasama ang kapwa at ito para
kay Johann ang isang taong responsable.
No comments:
Post a Comment