Saturday, November 23, 2013

KAIBIGAN



Kaibigan. Ito ay tao na kaagapay mo sa buhay. Kasama mo sa oras ng tawanan at iyakan. Kakwentuhan sa lahat ng inyong mga kalokohan at problema. Kasabay sa paggawa ng mga kalokohan. Karamay sa lahat ng paghihirap.
Mahirap sa natura nating mga tao na mag-isa lang dahil sa bahagi na ng ating pagkatao ang makisalamuha sa iba. Tayo ay nag-iiral na hindi lang nag-iisa, kundi nandito tayo na may kasamang iba. At hindi natin maipagkakaila ang kanilang pag-iiral dahil sa sila’y nandyan talaga na kitang kita ng  iyong mga mata, mahahawakan mo at nakakausap mo.
Sadyang ang buhay ay maginhawa kung may kaagapay ka sa buhay. Sa lahat ng iyong pangangailangan na hindi abot ng iyong kakayahan ay may mga taong sasagot nito. Kung kaya’t nandyan ang mga kaibigan natin na handang handa tumayo sa likod mo. Handang handa na tumayo ng maayos para sandalan mo sa tuwing matutumba ka na. Sila rin ang nagsisilbi nating mga kamay sa pag-abot ng mga bagay na hindi kaya ng ating mga kamay. Sila ang bumubuhat sa atin sa tuwing may mga bagay sa itaas na nais nating abutin ngunit hindi maaari dahil sa ito’y hindi abot ng ating kakayahan. Kung kaya’t isipin natin kung wala ang isang kaibigan na tulad nila. Sa tuwing ikaw ay matutumba siguradong babagsak ka. Sa tuwing may aabutin ka ay hindi mo makukuha ang bagay na nais mong makuha. At kung may kukunin ka sa taas ay hanggang pagtitingala na lang ang iyong magagawa.
Napakahirap nga namang tumawa sa oras ng iyong kaligayahan na nag-iisa. At masakit sa isang tao ang umiyak na walang kasama. Kung kaya’t nandyan ang ating kaibigan na siyang kasama natin sa lungkot at ligaya. Kahit gaano ka pa nagpakasasa sa mga bagay-bagay na nariyan sa iyo, anong silbi nito kung ang sarili mo lang ang nagpapakasaya dito? Hindi ba’t parang wala lang. Di ba sa tuwing tayo ay may lakad sa mga lugar na nais nating puntahan para magpakasaya ay nangangailangan tayo ng kasama. Narasan ko na rin iyan. Napakasarap at napakasaya pumunta sa isang lugar na hindi pangkaraniwan sa’yo. Lalo na’t malayo ito sa lugar mo at walang nakakakilala sa iyo. Ngunit anong pagkabagot iyong naramdaman ko nang ako lang mag-isang palakad-lakad sa mall. Sadyang hindi talaga masarap sa pakiramdam. Mas ninais ko pang manatili sa bahay na kasama ang aking matalik na kaibigan o pumunta sa kanilang bahay para doon ay makipag-usap tungkol sa buhay.
Sa panahong ng ating pagdadalamhati ay sadyang masakit sa pakiramdam na wala kang kasama. Masakit rin sa pakiramdam na walang taong hahaplos sa likuran mo sa tuwing ikaw ay iiyak, na alam naman nating isa ito sa mga makapagbibigay ginhawa sa atin kahit kakaunti man lang. Napakasakit sa pakiramdam lalo na’t nais mong umiyak at di mo magawa-gawa ito dahil napakahirap sa pakiramdam. Mahirap umiyak na wala kang maiyakan. Parang nararamdaman mo ang mga luha mong tumutulo sa kalooban mo na siyang nagbibigay sakit sa iyong lalamunan at dumudurog sa iyong puso.
Masarap rin kung may kaibigan kang  kakwentuhan mo sa mga libre mong oras. Halakhakan sa inyong nakakatawang nakaraan. Lalo na kung halos magkapareho ang inyong mga karanasan. Tawanan dito, tawanan doon. Wala na kayong pakialam sa mga taong nakapalibot sa inyo basta’t masaya kayong tumatawa. Ngunit sa pag-uusap na iyon ay hindi lang kayo tawa nang tawa. May mga oras rin na seryoso sapagkat may mga bagay na nais mong ibahagi dahil nangaingailangan ka ng tulong at gabay lalo na sa panahon ng problema. At may mga seryoso rin kayong usapan dahil may mga aral kang pinupulot mula sa kanyang karanasan at may mga aral rin siyang pinupulot mula sa iyong karanasan.
Sa iyong buhay ay hindi mo maipagkakaila na may mga kalokohan ka ring ginagawa sa buhay na kasama ang iyong mga matatalik na kaibigan. Nais nating kasama sila dahil sa nasasayahan ka. Naaakit ka sa kagandahan ng kasayahan na inyong ginagawa. Sila rin ang nais mong kasama dahil sa tuwing nabuko kayo sa mga kalokohang pinaggagawa ay nandiyan pa rin sila na kasama mo. Magtitinginan at tatawa na lang sa isa’t isa.
Sa buhay ay talagang may kaakibat na paghihirap. Ngunit sa paghihirap na ito ay may mga taong nariyan na siyang katuwang sa pagsuong sa mga problemang ito. Ngunit hindi lang hanggang pagsuong ang inyong gagawin kundi may mga sinusungkit rin kayong aral na siyang magagamit rin sa pagtahak sa buhay. Mula sa pagsuong sa problema, hanggang sa pagsungkit sa mga aral ay unti-unti ninyong sinasagot at nilulutas ang mga problema sa buhay. Napakasarap nga naman kung may kasama kang sasaya sa pagkalutas ng problema mo. Na siyang masasabi mong hindi ka lang nag-iisa sa buhay na ito. Kundi may mga kaibigan ka ring nariyan na siyang tutulong sa paglutas sa problema.
Oo nga’t masarap ang buhay na may kaibigan, kaagapay mo sa buhay, kasama sa tawanan at iyakan, kakwentuhan, kasabay sa mga kalokohan, at karamay sa lahat ng iyong paghihirap. Pero paano kung sa isang iglap lang ay mawala ang inyong turingan sa isa’t isa bilang magkaibigan? Ano nga ba talaga ang tunay na kaibigan? Paano nga ba natin masasabi na ang isang tao ay isang tunay na kaibigan o isang taong nagpapakaibigan lang sa’yo upang mamihasa sa iyo?
Ang kaibigan ayon sa karamihan ay ang taong parang ikaw. Sinasabi nila na ang mga taong ito ay parehong pareho sa lahat ng mga ayaw mo’t gusto sa buhay.  Halos magkasintulad na kayo sa lahat ng mga bagay na nais niyong pagtuunan ng oras. Mas daig pa ng kaibigan mo ang pakikitungo niya sa iyo kumpara sa pakikitungo ng mga kapatid mo sa iyo. Pero hanggang dito nga na lang ba ang pagiging kaibigan?Marahil hindi.
Para sa akin ang kaibigan ay ang taong tapat sa iyo. Tapat sa paraan na kung ano ang gagawin mo ay tapat siyang sabihin sa’yo kung ito man ay nakakasakit sa kanya o hindi. Tapat sa paraan na kung ano ang layon ng kanyang pakikipag-kaibigan niya sa iyo, kung ito ba’y puso sa puso o hanggang sa may pangangailangan lang siya sa iyo, ay sasabihin niya ito. Tapat na sasabihin sa iyo na ang ginagawa mo ay tama o hindi.
Ang kaibigan rin ay ang taong marunong umunawa at tumanggap sa buong ikaw. Na sa lahat ng pagki-ikaw mo, pangit man ito o hindi, ay hindi pa rin siya lalayo sa’yo at nariyan sa iyong tabi na handang tumanggap sa iyo.
Ang kaibigan rin ay ang taong nais tumulong sa iyo na gamitin ang bawat ugali natin sa tamang oras at tamang pagkakataon. Ako’y naniniwala na walang masamang ugali na meron ang tao, nagiging hindi lang ito kaaya-aya dahil sa hindi natin paggamit nito sa tamang pagkakataon.
Ang kaibigan rin ang siyang handang magmahal sa iyo ng lubusan. Kahit ano o sino ka man. Sa totoo lang, pagmamahal ang siyang naging bunga ng pagiging tapat, marunong umunawa at tumanggap sa pagkatao mo, at tumulong na gamitin ang bawat ugali mo sa tamang oras at pagkakataon. Nang dahil sa pagmamahal ng isang kaibigan ay natututo maging tapat sa lahat ng mga nais niyang gawing  makakabuti sa iyo, masakit man ito o hindi. Dahil dito nais niyang tumulong na gamitin ang ugali mo sa tamang pagkakataon. At kahit na siya man ay magtampo sa iyo o magalit ay handa pa rin siyang umunawa at tumanggap sa pagkatampo o pagkagalit mo na magbibigay sa kanya ng daan na maghintay muli sa pagbabalikan ninyo bilang magkaibigan.
Sa kabila nito, sa pakikipagkaibigan ay wala ang kilos ng sapilitan. Na kung saan ay napipilitan ang isang tao sa paggawa ng ganito sa isang taon na nais niyang kaibiganin. Ang pakikipagkaibigan ay dapat hindi dulot ng awa sa taong nag-iisa dapat ito ay ninanais mo dahil sa gusto mong makipagkaibigan sa kanya.
Pero sa tanong na kung paano sa isang iglap ay mawala ang pakikipagkaibigan niya sa iyo? Ano nga ba ang nais gawin dito? Pero bago iyan ay tanungin muna natin kung ano ang mga dahilan bakit nangyari ito?
            Unang dahilan ay ang hindi pagkakagusto ng kaibigan mo sa ginawa mo sa kanya o marahil sa ibang tao. Hindi niya nagustuhan ang ginawa mo dahil sa ikaw ay hindi nakinig sa kanyang payo na hiningi mo sa kanya. Maaari ring hindi naging kaaya-aya ang iyong ginawa sa kanyang mga mata. O kaya ay nainggit siya dahil sa hindi niya ang nagawa ang bagay na iyang ginawa. Pangalawang dahilan ay siguro dahil sa pagtatalo na kung saan ay pwersahan kayong nagbubuhusan ng inyong mga argumento gamit ang isip. Na kung saan ay madadaig mo siya o madadaig ka niya. Pangatlo ay dahil sa palagay mo puro na lang mali ang iyong ginagawa para kanya, na alam mo sa sarili mong hindi talaga iyon mali, sadyang magagalitin lang siya o matampuhin. At panghuli ay siguro ang hinahanap niya sa iyo ay hindi niya nakita, at ang inakala niyang ikaw ay hindi pala.
            Isang magandang ideya kung pagtuunan natin ng pansin ang panghuli na siyang dahilan ng karamihan. Bakit nga ba sadyang may mga taong ganito na ang hanap lang sa pakikibagkaibigan ay hanggang makuha lang ang kanilang pangangailangan sa iyo? Sadyang tuso lng talaga sila? Siguro hindi. Sadyang totoo lang sila sarili nila na ayaw nila ng malalim na pakikipagkaibigan sa iyo dahil sa hindi kayo medyo magkasundo sa mga gusto’t hilig sa buhay. May mga tao rin na nagbago ang pagtingin sayo mula nang ikaw ay mas nakilala pa nila ng malaliman. Nang mas sinisid pa nila ang buo nilang pagka-ikaw, at sa pagsisid ay nakita nila ang isang ikaw na hindi nila kayang pakitunguhan. Pero sa totoo lang, may mga pangyayari lang talaga na nawawala ang pakikipagkaibigan dahil sa talagang hindi nila kaya maging tapat sa iyo, maging marunong sa tulong sa paggamit mo sa ugali mo, at sa pagtanggap at at pagunawa sa ugali mo. Pero may pagmamahal pa rin dahil sa ayaw ka nilang masaktan na darating sa panahon na naging malalim ang pagsasamahan ninyo ay doon pa lalayo ang loob niyo sa isa’t isa, tanggalin ang ugnayan, at alisin na ang pakikipagkaibigan.
            Ang kaibigan ay isang biyaya o regalo. Napakasayang tanggapin nila. Ngunit mag-ingat ka rin. Sa pakikipagkaibigan ay hindi kailangan ng sapilitan. Dapat ito ay kusang loob na siyang dinidikta ng iyong kalooban. Dahil may mga tao talaga na inaakala nating kaibigan. Pero sige lang, di bale nang mabawasan ng totoong kaibigan kaysa magkaroon ng napakaraming hindi totoong kaibigan dahil kailanman hindi tayo mauubusan ng totoong kaibigan. Kung ayaw na nila sa iyo, mas masaya dahil nabawasan ka ng hindi totoong kaibigan.